Wika

On the occasion of Language Month, I received three invitations to speak on the politics of language.  Because of other commitments I was unable to accept any of them.  What I would have said at these symposia I have however tried to synthesize in today’s column written in Filipino . My thesis is that a nation’s own language or languages grow in proportion to its consciousness of nationhood. They fade when the people’s aspirations shift to modernity and participation in the larger world. Their decline is also an index of the marginalization of the masses in the nation’s life.

Ang pag-unlad ng wika at ang pag-usbong ng kamalayan ay magkakabit. Pareho ang kanilang ugat – ang pangangailangang makipag-usap. Maliit na bahagi lang ng mga nangyayari sa atin sa araw-araw ang pumapasok sa ating kamalayan, ani Nietzsche, ang pilosopong pinagkunan ko ng mga kaisipang ito. Kung gaano katindi ang pangangailangang makipag-usap, ganoon din kalakas ang udyok na pagnilayan ang ating iniisip, dinarama, at ikinikilos.  Ito ang bukal ng kamalayan.  At kung gaano kapuno ang ating kamalayan, ganoon din kabigat ang hinihingi sa wikang ating ginagamit.

Habang lumalawak at lumalalim ang kamalayan, yumayaman din ang wikang ginagamit.  Kung mababaw ang kamulatan, sapagkat hindi naging malakas at madalas ang udyok na makipag-usap, mananatili ring payak ang ginagamit na wika.

Tila ganito nga ang kapalarang sinapit ng ating mga katutubong wika. Naudlot ang pagsulong ng mga ito sapagkat sa kasalukuyang panahon hindi na ito ang ginagamit na daluyan ng pambansang huntahan.  Noong panahon ng mga Kastila, ginamit ng mga prayle ang mga wikang ito bilang tagapaghatid ng mensahe ng kabanalan at pagka-masunurin. Kahit paano’y naisulat ito. Sumigla at lumakas ang ating mga katutubong wika nang magkamalay ang mga Pilipino at sinimulang gamitin ang mga ito bilang instrumento ng pagtutol at paghihimagsik, pagkakaisa at paglaya.

Natigil ang pag-unlad ng mga katutubong wika nang sakupin tayo ng mga Amerikano.  Isinantabi nila ang ating mga wika at pinalaganap ang wikang Ingles sa mga paaralan.  Naiwan ang ating mga katutubong wika sa bibig ng ating mga ninuno, ngunit ang henerasyon ng mga nangagsipag-aral na kabataan ay unti-unting nahiwalay sa pamayanan. Natutong mangusap at magsulat ang ating mga intelektwal sa isang wikang hindi nauunawaan ng mas malawak na pamayanan.

Ingles ang naging wika ng edukasyon, kapangyarihan, at modernong pamumuhay.   Katutubong wika naman ang naging wika ng kamangmangan at ng makalumang pamumuhay. Nag-iiba lamang ang ganitong kalakaran kapag dumarating ang panahon ng pagtutol. Mula sa Katipunan hanggang sa Hukbalahap, mula sa Kabataang Makabayan hanggang sa NPA, sa lahat ng lansangan ng protesta, sumisigla ang mga katutubong wika bunga ng mayamang ugnayan ng mga katutubong intelektwal at masa.

Sapagkat mga kabataan ang nanguna sa muling pagsibol na ito ng wikang katutubo, pinakamalalim ang epekto nito sa kultura, laluna sa mga awitin at programa sa radio at telebisyon.  Hanggang ngayon, patuloy nating inaani ang mga bunga ng pagyabong ng wika noong mga dekada ng protesta. Subalit sa ibang larangan, mapapansin na wari’y lubog na naman ang katutubong wika.  Ang Ingles, ang wikang tinutulan ng henerasyon ng dekada setenta, ay ganap nang nakabawi, at ngayo’y lubos na namamayagpag sa halos lahat ng larangan ng kabuhayan at pamahalaan.

Kapag ang wikang katutubo ay nagagamit lamang kaugnay ng maliliit at walang halagang bagay, at ang wikang dayuhan ang nakakasanayang gamitin sa mas mataas na uri ng talastasan — ang wikang katutubo’y nabubusabos habang ang dayuhang wika’y namumukod.  Sa kalaunan, ang karamihan ay mag-iisip na sadyang nasa katutubong wika ang kakulangan. Kung walang nagpupunyaging isalin sa katutubong wika ang mahahalagang literatura at produktong intelektwal ng mga dayuhang kultura, iisipin ng marami na may likas na kakapusan ang ating sariling wika, at walang ibang lunas kundi pagsikaping pag-aralan  ang wikang dayuhan.

Walang wikang umuunlad kung hindi ito naisusulat at nababasa. Walang wikang umuunlad kung ito’y hindi sinasanay na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t-ibang kaisipang hango sa maraming kultura.  Kailangang makipag-usap ang ating katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isantabi  ito, sa maling pag-aakalang hindi na ito angkop sa bagong panahon.

Ito’y bahagi pa rin ng paglaya, anang Palestinong manunulat na si Edward Said,  bahagi pa rin ng pagnananais na muling maangkin ang nahiwalay na kaluluwa. Ang paghahabol sa katotohanan, ani Said, ang paghahanap ng kasaysayang mas angkop kaysa inaalay ng mananakop, ng bagong talaan ng mga bayani, mga alamat at relihiyon – itong lahat ang binibigyang-daan ng isang pambansang pananaw na muling umaangkin sa tinubuang lupa.  Kaakibat ng mga ganitong makabansang pagpapahiwatig ang mahiwaga at kisapmatang pagsulong ng katutubong wika.

Huli na marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo’t magkusa — sa bawat maliit na larangang ating kinikilusan — na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating  pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi.

Hindi marahil sa isang language policy matatagpuan ang kinabukasan ng ating mga katutubong wika, kundi sa ating araw-araw na pagsasanay tungo sa isang demokratiko at nagsasariling bansa.

 

Comments to <public.lives@gmail.com>