Araw ni Bonifacio

Ang Nobyembre 30, kapistahan ni San Andres, ay ipinagdiriwang tauntaon bilang Araw ng mga Bayani o “National Heroes Day.”  “It is not,” sabi ni Carmen Guerrero Nakpil. “It is the day sacred only to one hero, the one called Andres who had guts and gumption like no other.”

Kinilala siyang “Ama ng Himagsikan” sapagkat sa apoy na kaniyang sinimulan unang pinanday ang kilusang nagpalaya sa ating lahi.  Dapat lamang na ipagdiwang ang araw ng kanyang kapanganakan.  Subalit sino ang nakakaalala sa araw ng kanyang pagkamatay? Ang pagpaslang kay Andres Bonifacio noong Mayo 10, 1897 sa isang masukal na lugal sa Mt. Buntis ay isa sa mga matatawag nating “inconvenient truths” ng ating nakalipas.

Ang mga pangyayaring humantong sa paglitis sa Supremo ng Katipunan sa salang sedisyon, at ang pagpataw sa kaniya ng parusang kamatayan ng mismong mga kasama niya sa himagsikan, ay patuloy na pinagtatalunan ng mga istoryador.  Wala pa ring “closure” ang yugtong ito ng ating kasaysayan. Hindi pa ganap na maipaliwanag ng mga guro sa kanilang mga estudyante kung papaanong nangyari na ang ama ng himagsikan ay naging biktima ng rebolusyong kaniyang sinimulan.

Bukod sa pahapyaw na pagtukoy sa alitan ng dalawang paksyon ng Katipunan — ang Magdalo at Magdiwang – karaniwan nang iwasan ng mga teksbuk ang pagtalakay sa konteksto ng trahedyang sinapit ni Bonifacio.  May panahon na pati ang kontribusyon niya sa pambansang kasaysayan ay minamaliit, habang pinatitingkad naman ang kay Rizal.  Hind tama ang ganitong paghahambing sapagkat ang isyu ay hindi kung sino ang may mas matimbang na nai-ambag sa bansa, kungdi kung papaano sinuri

ng bawat isa ang hinihingi ng panahon, at kung paano nila inialay ang kanilang talino at tapang upang tugunan ang hamon ng pambansang paglaya.

Iilan lang marahil ang nakakaalala pa na unang sumama si Bonifacio sa “La Liga Filipina,” ang secret society na itinatag ni Rizal. Umuwi si Rizal noong 1892 pagkaraan ng halos sampung taong pagkilos sa Europa. Sa isang liham sa kaniyang mga kasama sa Europa ibinulalas ni Rizal ang kaniyang himutok na bigo ang layunin ng kanilang kilusang propaganda. Narito ang bahagi ng mensaheng isinulat niya sa wikang Tagalog, na sinipi ni O.D. Corpuz (Roots of the Filipino Nation).  Malinaw dito ang pagtatagpo ng layunin ng dalawang bayani:

“Kung ang inaasahan ng ating mga kababayan ay tayo rito sa Europa, ay totoo silang namamali.  Ako’y ayaw mag daya sa kanino man.  Kung walang salapi ay wala tayong malaking magagawa.  Ang ating maitutulung sa kanila ay ang ating buhay sa ating bayan.  Yaon kamalian ng lahat, na tayo’y makatutulong dito sa malayo, ay salang sala mandin.  Ang gamot ay dapat ilapit sa may sakit….

“Ang parang na paglalabanan ay ang Filipinas; doon tayo dapat magtatagpo….Duon tayo magtutulung-tulong, doon tayo sama-samang magdusa o magtagumpay kaya.  Ang karamihan ng mga kababayan sa Europa ay takot, layo sa sunog, at matapang lamang habang layo sa panganib at nasa payapang bayan! Huwag umasa ang Filipinas; umasa sa sariling lakas!” LAONG LAAN

Hunyo 26, 1892 nang dumaong sa Maynila ang barkong sinakyan ni Rizal mula sa Hong Kong.  Isang linggo mula sa kaniyang pagdating, tumawag siya ng pulong sa bahay ni Doroteo Ongjungco sa Tondo upang itayo ang isang secret society, ang La Liga Filipina.  Isa Bonifacio sa mga dumalo sa unang pulong na iyon.  Ang mga planong inilatag ni Rizal ay nagbigay ng ibayong sigla kay Bonifacio.  Ganap ang paghanga niya kay Rizal.  Sa kasamaang-palad, inaresto si Rizal tatlong araw matapos ipundar ang Liga, at itinapon sa Dapitan. Tinangka ng ibang mga kasapi na paandarin ang Liga kahit wala si Rizal, subalit walang nangyari. Naiwan kay Bonifacio na bigyang-buhay ang ideyang hinubog sa imahinasyon ni Rizal.

Ang mabilis na paglaki ng Katipunan mula 1894 hanggang1896 sa pamumuno ni Bonifacio at Emilio Jacinto ay siya ring dahilan ng madaling pagkakabunyag nito.  Napilitan ang kilusan na ilunsad ang himagsikan bago pa man ito nagkaroon ng sapat na kahandaan.  Bukod dito, maraming mga may-kaya at edukado ang sumama’t namuno sa kilusan.  Isa rito ang batang Kabitenyong mandirigmang si Emilio Aguinaldo, na nanumpa sa Katipunan sa mismong bahay ni Bonifacio.

Sumabog ang hidwaan sa pagitan ni Bonifacio at ng mga tituladong lider na kasama ni Aguinaldo noong Marso 22, 1897.  Isang pulong sa Hacienda Tejeros ang tinawag ni Bonifacio. Hindi nakadalo si Aguinaldo.  Imbes na pag-usapan ang depensa ng mga bayan sa Kabite, napunta ang miting sa eleksyon para sa isang bagong rebolusyunaryong gobyerno.  Iminungkahi ang pangalan ni Bonifacio para sa bawat mataas na posisyon mula sa pagka-pangulo — na napunta kay Aguinaldo. Sa bandang huli, nahalal ang Supremo bilang Direktor ng Interyor.  Kinwestyon pa ang kanyang kwalipikasyon ni Daniel Tirona, isang lider Magdalo.  Lubos itong dinamdam ni Bonifacio, bagay na hindi niya pinalampas. Tinapos niya ang miting at bigla niyang pinawalambisa ang lahat ng napagpasiyahan.  Ito ang naging mitsa ng kaniyang trahedya.

Hindi natin marahil ganap na maiintindihan ang takbo ng ating kasalukuyang lipunan habang nakabaon sa limot ang yugtong ito ng ating nakaraan.

(Isang napapanahong aklat – “Heroes and Villains” — na isinulat ng batikang awtor na si Carmen Guerrero Nakpil ang ilulunsad sa Huwebes, alas-5 ng hapon, Disyembre 2, sa Filipinas Heritage Library, Makati Avenue.  Ito’y tumatalakay sa makulay at masalimuot na kasaysayan ng ating mga bayani, kasama na rito si Andres Bonifacio.)

E-mail: public.lives@gmail.com