‘Ang pederalismo bilang isang mantra’

(Kahit minsan lang sa isang taon, bilang paggunita sa Buwan ng Wika, ang aking kolum para sa linggong ito ay nasa wikang Filipino.)

Bagama’t hindi ikinatuwa ng marami ang promosyonal na video na “pepedederalismo” ni  Communications Assistant Secretary Mocha Uson at ng katuwang niyang si Drew Olivar, talaga namang nakatawag ito ng pansin. Ibang usapin na kung ito ba’y nakadagdag o nakabawas sa pag-unawa sa mahalagang konsepto ng pederalismo.

Sa aking pananaw, nakuha lamang ng nasabing video na gawing isang mantra ang “pederalismo.” Ang mantra ay pinagdugtong na mga patinig na sadyang walang kahulugan, subalit, kung pakantang uulit-ulitin, ay inaasahang lilikha ng isang mala-engkanto at pampakalmang epekto. Tila ganito na nga ang layon ng kasalukuyang kampanya ng administrasyong Duterte ukol sa pagpapalit ng ating sistema ng pamahalaan—ang pakalmahin ang litung-litong sambayanan.

Isang malaking sanhi ng kalituhan ang kawalan ng sapat na pagpapaliwanag sa mga pangunahing suliraning panlipunan na layong bigyang lunas ng sistemang pederal.  Walang duda na ang pinakamalaking problema ng ating lipunan sa ngayon ay ang napakalaking agwat sa yaman at kakayahan ng iba’t ibang rehiyon ng ating bansa.

Kinakailangang suriin ang mga ugat ng di-pagkakapantay-pantay na ito bago masabi na pederalismo ang sagot sa problemang ito. May kasaysayan ang sistemang pederal. Mahalagang alamin natin kung ito’y naaangkop sa ating bansa o hindi. Kung ito man ang sagot sa ating mga suliranin, anong mga katangian ng sistemang pederal ang hinahanap natin 

Makatutulong marahil na simulan natin ang pag-intindi sa sistemang pederal sa pag-usisa sa salitang-ugat nito. Hindi lamang kalaswaan kundi kalituhan ang ibubunga ng pag-uugnay ng salitang “federal” sa mga katagang “pe-pe” at “de-de.” Ang orihinal na kahulugan ng salitang ito ay hango sa katagang Latin “foedus,” na ang ibig sabihin ay “liga” o “kasunduan” na binuo batay sa “faith” o pagtitiwala — kumbaga, isang “federal union.”

Ang kasalukuyang anyo ng salitang ito ay tumutukoy sa pagsasama ng dati’y hiwa-hiwalay na estado sa ilalim ng iisang pamahalaan. Sa kasaysayan ng mga bansa, ang sistemang pampamahalaan ng Estados Unidos ng Amerika ang pangunahing modelo ng pederalismo.

Sinasalamin nito ang pagnanasang buuin sa ilalim ng isang gobyernong pederal ang maraming hiwa-hiwalay na bansa na dati nang may kapasidad na mamahala ng kanilang mga sarili. Habang pumapailalim ang mga estadong ito sa pamumuno ng isang gobyernong pederal, hindi nila isinusuko ang maraming katangian at kapangyarihang dati nang kanila. Kritikal sa sistemang pederal, kung ganon, ang masinop na paghihiwalay ng mga kapangyarihang batas, at pagtatakda ng mga hangganan nito (aling mga kapangyarihan ang maiiwan sa mga rehiyon at alin ang mapupunta sa masaklaw na gobyernong pederal?).

Mahalagang isaisip ang ganitong kontekstong istorikal sapagkat malinaw ang leksyong iniiwan nito: Nakasalalay ang tagumpay ng sistemang pederal sa kakayahan ng mga mamamayan ng bawat rehiyon na kolektibong magpasya para sa kanilang mga sarili. Kung wala, o mahina, ang kakayahang ito, para na ring binigyang laya ng pederalismo ang mga makabagong datu ng bawat rehiyon na maghari nang walang pakundangan sa kani-kanilang mga teritoryo.

Kung may yugto man sa kasaysayan ng Pilipinas na maaaring naging angkop ang pederalismo, iyan marahil ay noong pinagsisikapang buuin ang isang malayang republika, sa ilalim ng Konstitusyon ng Malolos, bago tayo sakupin ng mga Amerikano. Malinaw pa noon ang pagkakaiba at hangganan ng ating mga rehiyon at probinsya, at malakas pa ang kapasidad ng mga lokal na pamayanan na pangalagaan at paunlarin ang teritoryong kanilang nasasakupan.

Subalit, kakaiba ang naging takbo ng ating pampulitikang kasaysayan sa nakaraang pitumpu’t dalawang taon. Dala marahil ng pagnanasang makabuo ng isang malaya at demokratikong republika na may malakas na pambansang pamahalaan sa sentro, unti-unting nalansag ang mga sistema ng lokal na pagpapasiya.

Sa ilalim ng republikang itinayo pagkatapos ng WWII, ang mga ito’y naging kasangkapan na lamang ng pulitika at administrasyong nagmumula sa sentro. Ang mga pamayanang tinaguriang “barrio,” na noo’y siyang mayamang bukal ng sari-saring inisyatiba at pagpapasiya, ay pinalitan ng mga “barangay,” ang pinakamababang sangay ng pambansang gobyerno na walang ibang tungkulin kundi magsilbing daluyan ng mga pasiya at serbisyong galing sa Maynila.

Kakaibang mga problema ang idinulot ng ganitong sistema ng pamahalaan. Lumawak ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga rehiyon. Walang pag-aalinlangang sinamantala ng malalaking negosyante na protektado ng mga makapangyarihang pulitiko ang kahinaan ng mga lokal na pamayanan.

Ang Local Government Code na ipinasa noong 1991 ang naging tugon sa problemang ito. Nilayon nitong isakatuparan ang mga prinsipyo ng desentralisasyon at demokrasyang panglokal. Itinakda ang pagkakaroon ng mga “local development council” sa bawat antas. Sinundan ito ng iba pang mga inisyatiba, tulad ng “bottom-up budgeting.” Ngunit, halos walang nangyari.

Higit na malalim ang mga sanhi ng problemang nais tugunan ng desentralisasyon. Nakaugat ang mga ito sa isang panlipunang sistemang lumilikha ng karalitaan para sa nakararami at karangyaan para sa iilan. Sa ilalim ng di-makatarungang kaayusang ito, hindi kailanman mangyayari ang demokratikong pagpapasiya mula sa ibaba.

Ganito rin ang kahihinatnan ng pederalismo, na isa lamang uri ng desentralisasyon, anumang mantra ang gamitin upang ibenta ito.

public.lives@gmail.com